18 ilegal na mining tunnels sa Baguio pinasabog ng DENR

Micaella Ilao, ABS-CBN News

Posted at Feb 14 2018 06:24 PM

BAGUIO CITY - Tuluyan nang isinara ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang 18 ilegal na mining tunnel sa Barangay Kias dito sa siyudad, Miyerkoles ng hapon. 

Natuklasan ng mga awtoridad ang mga ito matapos magkaroon ng inspeksiyon sa barangay ang National Task Force Mining on the Challenge nitong nakaraang linggo.

Ngayong araw, pinasabog na ang 18 mining tunnels para hindi na magamit.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Nakita pa sa lugar ang mga drum ng cyanide na ginagamit para sa pagproseso ng ginto. Posible umanong makaapekto sa kalikasan ang di pagkakaroon ng tamang disposal ng kemikal. 

Napansin din ng task force na halos tuyo na ang ilog sa lugar na tinapunan ng mga latak mula sa minahan. Wala namang nahuling minero sa inspeksiyon. Hindi pa rin kilala ang may-ari o mga may-ari.

Ayon kay Environment Secretary Roy Cimatu, hindi ito ang unang beses na may ipasasarang ilegal na minahan, at patuloy aniyang magmo-monitor ang task force sa mga minahan sa bansa.