Tulak at suplayer umano ng droga ng mga UV driver, tiklo

ABS-CBN News

Posted at Feb 13 2018 04:31 PM

Arestado sa isang buy-bust operation ng Quezon City Police District (QCPD) Station 7 nitong Martes ang barker ng mga UV Express na siya rin umanong tulak ng droga ng mga tsuper at ang kaniyang suplayer. 

Isang kuwarto sa 8th Avenue Apartelle sa Cubao ang nagsisilbi umanong drug den ni Elmer Amolet at kaniyang mga parokyano. 

"Hindi po namin alam ang ginagawa nila. Tuwing gabi siya nandiyan, minsan dalawa sila," ani Lisa Abadines, front desk officer ng nasabing apartelle. 
 
Barker ng mga bumibiyaheng van sa Cubao si Amolet at itinuturing na suplayer umano ng mga dayber doon. 

Itinanggi ni Amolet na nagbebenta siya sa mga drayber pero inamin nito ang paggamit ng pinagbabawal na gamot. 

"Akin po iyan. Dito po kami sa kuwarto gumagamit. Kasama ko po 'yung ibang barker," ani Amolet.

Nakakuha ng 12 sachet mula kay Amolet habang nasakote rin ang pinagkukuhanan umano ni Amolet ng droga na si Rolando Munar, operator at driver ng mga UV Express. 

Itinanggi nito na kaniya ang dalawang sachet ng shabu. Aniya, may nakaiwan lang na pasahero. 

Nasa P25,000 naman ang halaga ng mga shabu ang nasabat sa operasyon. 

Mga driver umano ang madalas parokyano ng dalawa kaya’t minumungkahi rin ng pulisya ang random drug testing sa lugar. 

"Tinitingnan natin ang ganung anggulo na mga driver na bumibiyahe nang mahaba...Napakadelikado kasi baka hindi rin ligtas ang mga pasahero," ayon kay Supt. Louise Tremor, hepe ng istasyon.

Makakasuhan ang mga suspek ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act. 

--Ulat ni Isay Reyes, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.