Pasahero, humingi ng tawad sa binugbog na Grab driver

ABS-CBN News

Posted at Feb 13 2018 09:44 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Pinagsisisihan ng isang pasahero ang ginawa niyang pambubugbog sa isang Grab driver pero nanindigan itong pinag-interesan ng tsuper ang kaniyang naiwang cellphone.

"Inaamin ko mali talaga 'yong ginawa kong pananakit, maling-mali talaga 'yon," anang pasaherong si Jinno John Simon. 

"Humihingi po ako ng tawad sa ginawa ko kay Mr. Yabut, nadala lang ako ng emosyon," aniya.

Humarap sa ABS-CBN News si Simon matapos kumalat sa social media ang ginawa niyang pambubugbog sa driver na si Armando Yabut.

"Di ako makauwi ng apartment ko, di ako makakuha ng gamit ko, wala akong damit. Maraming nagbabanta sa akin. Nakakatakot po," kuwento ni Simon.

Pero ayon kay Simon, pinalabas ni Yabut na malinis ang hangarin nito nang ibalik ang kaniyang cellphone matapos maiwan sa sasakyan noong madaling araw ng Pebrero 9.

Nagduda umano si Simon dahil ilang beses niyang tinawagan ang kaniyang telepono pero pinapatay ito. 

"Mga three to four, five times and then pinatay niya 'yong cellphone ko," ani Simon.

Idinulog pa ni Simon ang reklamo sa customer service ng Grab Philippines.

"Nakuha ko personal n'ya, tinawagan siya. Tapos ibabalik na lang daw po n'ya," kuwento ng pasahero.

Katuwiran umano ni Yabut kay Simon, hindi niya mahawakan ang cellphone ng pasahero dahil may iba nang sakay na pasahero si Yabut.

Bumuwelta naman ang abogado ni Yabut.

"Kahit anong sabihin niya, lahat 'yan kathang-isip niya," ani Atty. Ariel Inton.

"'Pagpalagay nating totoo ang sinabi niya, bakit mo gugulpihin?" anang abogado.

Hindi naman matanggap ni Yabut ang paghingi ng tawad ng pasahero.

Itutuloy pa rin nito ang kasong serious physical injuries at posibleng dagdagan ng kasong oral defamation.

"Halos lumuhod ako sa kaniya, hinimas-himas ko siya na parang santo. Nagso-sorry ako, sabi kong pakinggan n'ya ang explain ko pero 'di nya ako pinakinggan," kuwento ni Yabut.

"Sabi niya sa'kin tuturuan niya ako ng leksiyon," ani Yabut, na desididong ipakulong si Simon.

Nagpahayag naman ng suporta ang Grab Philippines kay Yabut.

Bukod sa abogado, tutulungan din umano ng kompanya si Yabut sa kaniyang pagpapagamot.

-- Ulat ni Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.