Ginulping Grab driver 'pinag-interesan' ang naiwang cellphone - pasahero

ABS-CBN News

Posted at Feb 13 2018 12:13 PM | Updated as of Feb 13 2018 12:27 PM

MANILA - Iginiit ng isang pasahero ngayong Martes na ginulpi niya ang isang driver ng Grab dahil pinag-interesan umano nito ang kaniyang naiwang cellphone.

Una nang kumalat sa internet ang mga larawan ng bugbog-saradong driver na si Armando Yabut na nagbalik sa iPhone ng pasaherong si Jinno Simon nitong Pebrero 9.

Kuwento ni Simon, naiwan niya ang telepono nang maki-charge siya sa sasakyan ni Yabut.

Gamit ang cellphone ng nobya, makailang ulit umano niyang tinawagan ang sariling telepono pati na ang sa driver, pero hindi umano ito sinagot ni Yabut. Kalaunan, pinatay umano ng driver ang 2 cellphone.

"Ang sama po ng pakiramdam ko kasi pinatayan niya ako ng cellphone, iyung cellphone ko at cellphone niya pinatay so pakiramdam ko ayaw niyang ibalik," ani Simon sa panayam ng DZMM.

Na-contact lang umano niya ang driver nang makipag-ugnayan sa customer service ng Grab.

Pumayag si Yabut kinalaunan na bumalik sa Quezon City mula sa kaniyang bahay sa Rizal upang ibalik ang iPhone.

Pero pag-amin ng pasahero, hindi niya napigilan ang galit nang makita ulit si Yabut kaya nasampal umano niya ito.

"Inaamin ko pong mali ang pananakit ko sa kanya. Nag-usap po kami. Humingi po ako agad ng pasensya," sabi niya.

"Wala na po akong magagawa doon, hindi ko na po mababago iyun. Kasi nadala na rin po ako ng emosyon ko e."

Una nang sinabi ni Yabut na hindi lang sampal kundi suntok at sakal ang inabot niya sa pasaherong tattoo artist. Itinanggi rin niyang pinatayan niya ng telepono ang pasahero.

Kinasuhan niya si Simon nitong Lunes.

Sinabi naman ni Leo Gonzales, tagapagsalita ng Grab, na maaaring hindi agad masagot ng mga driver ang pasahero dahil nagmamaneho ito.

Ipinaliwanag din niyang sa polisiya ng Grab, dapat na i-report ng mga pasahero sa kanilang opisina ang mga naiwang gamit. Ang kumpanya aniya ang dapat na makipag-ugnayan sa driver para ibalik ang gamit sa head office, kung saan maaari itong kuhanin ng pasahero.

May ilang pagkakataon lang na direktang nako-contact ng mga pasahero ang kanilang driver, sabi ni Gonzales.

Rerepasuhin aniya ng Grab ang kanilang polisiya sa pagbabalik ng mga naiwang gamit upang hindi na maulit ang insidente sa pagitan nina Yabut at Simon.

Handa rin aniya ang kumpanya na alalayan si Yabut.

"We are monitoring the situation every step of the way. Kung kinakailangan ng added support po, we are ready to help," ani Gonzales.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.