7 patay sa Surigao, Leyte dahil sa 'Basyang'

ABS-CBN News

Posted at Feb 13 2018 10:13 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Pito ang naiulat na patay sa mga lalawigan ng Surigao Del Norte, Surigao Del Sur, at Leyte dahil sa mga pagguho ng lupa at malakas na agos ng tubig bunsod ng bagyong "Basyang."

Patay ang isang babae at ang dalawa niyang anak matapos matabunan ng gumuhong lupa sa Barangay Gamuton sa bayan ng Carrascal, Surigao del Sur.

Sa Barangay Babuyan naman sa Carrascal, patay ang isang 10 taong gulang matapos matabunan ng gumuhong lupa habang papunta sa evacuation center.

Sa Placer, Surigao Del Norte, dalawa ang patay, kabilang ang isang 10 taong gulang na tinangay ng malakas ng agos ng tubig. 

Natabunan naman ng landslide ang isang lolo sa Barangay Magsaysay.

Sa bayan ng Albuera, Leyte, iniulat ng pulisya na patay ang isang dalawang buwang sanggol matapos matabunan ng gumuhong lupa ang bahay nito.

Bukod sa dalawang Surigao, naranasan din ang hagupit ng bagyo sa iba pang lalawigan.

Sa Jabonga, Agusan Del Norte, daan-daang motorista ang stranded matapos gumuho ang isang bahagi ng Puyo Bridge dahil sa pagragasa ng tubig sa ilog.

Inilikas ang mga residente matapos umapaw ang Puyo River at Lake Mainit.

Ayon sa Regional Disaster Risk Reduction and Management Council, halos 2,000 pamilya ang inilikas sa buong rehiyon ng Caraga. 

Humarang din ang mga bato sa ilang kalsada sa Misamis Oriental dahil sa pagguho ng lupa.

Nasira naman ang bahagi ng isang kalsada sa Barili, Cebu dahil sa walang tigil na ulan.

Sa abisong inilabas ng PAGASA nitong Martes, alas-5 ng hapon, patuloy na magtatapon ng katamtaman at malalakas na pag-ulan ang Basyang sa ilang bahagi ng Visayas at Palawan. 

Pinaghahandaan naman ng provincial disaster agency ng Palawan ang posibleng pagtama ng bagyo sa Miyerkoles.

Sa Huwebes inaasahang lalabas ang bagyo mula sa Philippine area of responsibility.

Matatandaang noong panahon ng Pasko noong nakaraang taon, magkasunod na bagyong "Urduja" at "Vinta" ang nanalasa sa Mindanao at Visayas, na kumitil sa buhay ng nasa 200 katao.

-- Ulat ni Richmond Hinayon, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.