2 patay sa Surigao del Norte dahil sa bagyong 'Basyang'

May Diez, ABS-CBN News

Posted at Feb 13 2018 10:43 PM

Natagpuang patay ang isang 10-anyos na babae at isang senior citizen sa bayan ng Placer, Surigao del Norte matapos manalasa ang bagyong Basyang nitong Martes ng umaga.

Ayon sa ulat ng Placer Municipal Police Station, naglalaro sa ilog ang batang si Roselin Gabanigno pero nang matangay ng agos ng tubig ang tsinelas nito, pinilit nitong makuha ang tsinelas. 

Dahil sa lakas ng agos ng tubig, natangay ang bata, na sanhi ng kanyang pagkalunod.

Habang ang 75-anyos na si Jaime Conjurado, residente ng Barangay Magsaysay, ay natabunan matapos gumuho ang lupa na kinatitirikan ng kanyang bahay. 

Nangyari umano ito sa kasagsagan ng pagbuhos ng ulan kanina pasado alas-10 ng umaga.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.