2 frat members na sangkot sa pagpatay sa estudyante, kinasuhan na

Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Posted at Feb 13 2018 10:47 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Kinasuhan na ang 2 sa 5 arestadong suspek sa pagpatay sa 18-taong gulang na si John Ernest Rivera sa lungsod ng Makati noong Biyernes.

Nahaharap sa kasong pagpatay sina Jim Leo Villaba at Earlberth Solera, kapwa 19-taong gulang.

Nasa pangangalaga na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang 3 iba pang suspek na pawang mga menor de edad.

Inabangan umano ng mga suspek na kasapi ng Youth Scorpion fraternity ang grupo ng biktima noong Pebrero 9. Nauwi ito sa rambol hanggang sa masaksak at mapatay si Rivera.

Ikinababahala naman ni Makati Mayor Abby Binay ang pagkakasangkot ng kabataan sa mga fraternity at krimen kaya nanawagan ito sa mga magulang at paaralan na makipagtulungan.

Samantala, isinasaayos na lamang ang implementing rules sa pagtatakda ng curfew sa Makati City mula 10 p.m. hanggang 4 a.m.

Sa ilalim ng ordinansa, pananagutin ang mga magulang ng mga mahuhuling kabataan, ayon kay Binay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.