Paano lalabanan ang pagpapakalat ng maling impormasyon?

ABS-CBN News

Posted at Feb 12 2018 09:33 PM

Nagsama-sama ang mga batikang mamamahayag sa isang forum sa Makati nitong Lunes para talakayin kung paano epektibong masusugpo ang lumalalang problema ng 'disinformation,' o sadyang pagpapakalat ng maling impormasyon. 

Sa Day 1 ng dalawang araw na Democracy and Disinformation forum, nakipagpalitan ng kuro-kuro ang mga taga-media sa mga mananaliksik at mga eksperto sa komunikasyon mula sa Pilipinas at sa ibang bansa kung paano mapipigil ang paglaganap ng maling impormasyon lalo na sa social media.

Ayon kay Ellen Tordesillas ng VERA Files, lalong humihirap ang pagpigil sa disinformation lalo pa't aniya'y mismong gobyerno ang itinuturong nagkalakat din nito.

"This government really has no qualms about lying," ani Tordesillas.

(Walang kakaba-kaba ang gobyerno sa pagsisinungaling.)

Nagpalabas din ang VERA Files ng fact-checking video na nagpapakita sa mga di pagtutugma o umano'y kasinungalingan sa ilang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Tordesillas, dapat tiyakin ng mga mamamahayag na nagko-cover kay Duterte na hindi sila magiging daan sa lalong pagpapalaganap ng maling impormasyon.

Batid din ng mga mamamahayag ang hamon para makontra ang paglaganap ng disinformation mula naman sa mga tagasuporta ng pangulo.

Kadalasan din kasing maraming social media followers ang ilang tagasuporta ni Duterte.

"This is a case where the truth is a much harder sell than the lies," ani Cherian George, isang journalism scholar mula sa Singapore.

(Ito ay isang kaso kung saan mas mahirap na ibenta sa publiko ang katotohanan kaysa sa kasinungalingan.)

Ayon naman sa dating mamamahayag at ngayo'y PR practitioner na si Ron Jabal, dapat marepaso rin ng publiko ang mga pagkakataong "nagbibigay ng pagtatanghal" ang pangulo.

BATAS VS. DISINFORMATION?

Tumutol ang isang dayuhang mamamahayag sa ura-uradang pagpasa ng batas kontra disinformation.

"When you criminalize these kinds of transgressions, you give a lot of power to authorities to use them as a tool to silence free press," sabi ng dating Al-Jazeera correspondent na si Peter Greste.

(Kapag naging krimen ang mga pagsuway [gaya ng disinformation], mabibigyan ng malawak na kapangyarihan ang awtoridad na gamitin ang batas para patahimikin ang malayang pamamahayag.)

Humuhugot ang Awstralyanong si Greste mula sa kaniyang karanasan nang makulong sa Egypt sa loob ng mahigit isang taon.

Inakusahan kasi si Greste ng pamahalaan ng Egypt ng pagpapakalat umano ng fake news nang mag-cover siya roon noong 2013.

Binansagan pa nga si Greste at dalawa pang mamamahayag na mga terorista umano.

"I would caution against introducing -- in a rush, introducing laws, particularly draconian laws, to try to stop fake news," ani Greste.

(Hindi dapat madaliin ang pagsasabatas ng anumang panukala, lalo na iyong may matinding parusa, kontra fake news.)

Kamakailan, bumalangkas ng panukalang batas si Sen. Grace Poe na magbabawal sa mga opisyal ng pamahalaan na magpakalat ng fake news.

Aminado ang mga mamamahayag, mas patok na na ngayon ang mga blog at social media post kahit pa marami rito ay mga lantarang kasinungalingan.

Nagkakaisa ang mga eksperto na maraming pang dapat gawin para labanan ang pekeng impormasyon.

-- Ulat nina Christian Esguerra at Patrick Quintos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.