Misis, tinaga ng mister matapos mahuling kasama ang umano’y kalaguyo

Kim Lorenzo, ABS-CBN News

Posted at Feb 12 2018 04:30 PM

Arestado ang 41 taong gulang na si Frederick Rafanan matapos nitong tagain ang misis niya noong Sabado sa Currimao, Ilocos Norte.

Nagtamo ng sugat sa kamay ang biktima na si Princess Rafanan, 31 taong gulang.

Ayon sa imbestigasyon, nahuli ni Frederick na kasama ng kaniyang misis ang umano’y kalaguyo nito na si Helmer Melendez.

"Nakasakay sa tricycle si Princess na minaneho ni Helmer at sinundan sila ni Frederick na naka-van. Nang makababa sila may armas nang itak si Frederick at tinangka niyang tagain si Helmer pero nakatakbo," ani Senior Inspector Marlon Padamada, hepe, PNP-Currimao, Ilocos Norte.

Tinaga rin nito ang kaniyang misis pero naharangan niya ito at nasugat ang kaniyang kamay.

“Isang buwan nang hindi nagsasama ang mag-asawa dahil sa umano’y pananakit ng suspek sa kaniyang misis," dagdag ni Padamada.

Sa manhunt operation, nahuli ang suspek na agad tumakas papunta sa kaniyang tahanan sa Sinait, Ilocos Sur.

Love triangle ang sinusundang motibo ng pulisya sa insidente.

Depensa ng suspek, nagdilim ang kaniyang paningin ng makita niya ang dalawa.

“Napatunayan ko na mayroon talagang ginagawang masama," ani Frederick.

Sasampahan ng kasong frustrated parricide at attempted murder si Frederick.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.