2 babae, patay sa pamamaril sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Feb 12 2017 10:43 AM

Patay ang 2 babae matapos pagbabarilin sa kanto ng Old Antipolo Street at Jose Abad Santos Avenue sa Tondo, Maynila Linggo.

Wala pang pagkakakilanlan ang mga biktima na parehong tinatayang edad 25-30, at may taas na nasa 5'3" hanggang 5'5."

Ang isang biktima ay may tattoo ng pangalang "Jhoy" at "Rose" sa kaliwang braso habang ang isa naman ay may tattoo na pangalang "Jayson" sa kanang braso at "Tong Magno" sa kaliwang braso.

Batay sa imbestigasyon ng Homicide section ng Manila Police District, naglalakad lamang ang mga biktima papuntang Abad Santos kagabi nang sundan sila ng isang lalaki na nakasuot ng asul na jacket at pulang shorts.

Bigla na lamang pinagbabaril ng salarin ang mga biktima, dahilan para humandusay ang mga ito sa kalsada.

Sinubukan pa silang isugod sa Jose Reyes Memorial Medical Center ngunit binawian din ng buhay.

Patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa krimen at pagkakakilanlan ng mga biktima. -- Ulat ni Ron Lopez, DZMM

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.