Umiwas sa porno at HIV ngayong Valentine's Day: Pro-Life

ABS-CBN News

Posted at Feb 11 2018 02:18 PM | Updated as of Feb 11 2018 07:23 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Ilang araw bago mag-Valentine's Day, hinimok ng grupong Pro-Life Philippines nitong Linggo ang publiko na umiwas sa pornograpiya at human immunodeficiency virus at acquired immune deficiency syndrome (HIV/AIDS).

Namigay ang grupo sa mga namamasyal sa Rizal Park sa Maynila ng mga kendi na may mga balot na mga mensahe ukol sa pag-iwas sa mga malalaswang pelikula at HIV/AIDS.

May ilang pakete namang naglalaman ng mga mensahe hinggil sa paggalang sa mga kababaihan at pagkapit sa panananampalataya upang makaiwas sa tukso.

Ayon kay Anthony James Perez ng Pro-Life Philippines, ang pagpapakalat ng kamalayan umano ang ambag ng kanilang grupo para kahit papaano ay maibsan ang mga kaso ng HIV/AIDS at hindi inaasahang pagbubuntis sa bansa.

Noong 2016, may 10,500 na Filipino ang naitalang may HIV mula 4,300 noong 2010 ayon sa Department of Health.

Batay naman sa pag-aaral ng Commission on Population at Philippine Statistics Authority, patuloy na tumataas ang bilang ng kaso ng teenage pregnancy sa bansa.

-- Ulat nina Zhander Cayabyab at Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.