Lalaki, patay matapos makipagbarilan umano sa mga pulis sa Taguig

Jervis Manahan, ABS-CBN News

Posted at Feb 11 2018 08:22 AM | Updated as of Feb 11 2018 07:17 PM

MANILA - Patay ang isang di pa nakikilalang lalaki matapos umano maka-engkwentro ng mga pulis Sabado ng gabi sa C6 Road, Barangay New Lower Bicutan, Taguig City.

Ayon kay PO3 Rommel Joven ng Mobile Patrol Unit ng Taguig Police, nagsasagawa lang sila ng anti-criminality operations nang makita nila ang isang grupo ng mga lalaki na nagpo-pool at umiinom maghahatinggabi.

Paglapit nila dito, dalawang lalaki ang pumasok sa bahay at nag-umang ng baril sa mga pulis.

Dito na raw nagkaputukan ang magkabilang panig. Patay ang isa sa mga lalaki habang nakatakas naman ang isa.

Di bababa sa 14 basyo ng baril ang nakuha sa crime scene. Nakakuha rin ng limang sachet ng shabu at isang calibre 45 na baril.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Inaresto naman ang pitong mga lalaking kasamang nag-iinuman at nagsusugal. Pero nang tanungin, itinanggi ng mga arestadong lalaki na kilala nila ang lalaking nakipagbarilan.

Sabi ng mga pulis, ang napatay nila ay miyembro ng Bayawak Group na sangkot sa kalakalan ng iligal na droga.

Madalas daw nagpapatrol ang mga pulis sa lugar dahil marami talagang tulak doon.

Iimbestigahan naman ang mga nahuling lalaki.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.