PH, bukas ipasuri sa foreign pathologists ang mga nabakunahan

ABS-CBN News

Posted at Feb 10 2018 12:11 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Sa gitna ng iringan ng Public Attorney's Office (PAO) at mga eksperto mula sa University of the Philippines-Philippine General Hospital (PGH), bukas si Pangulong Rodrigo Duterte na kumuha ng mga foreign pathologist para sumuri sa mga kaso ng mga batang namatay umano dahil sa Dengvaxia. 

"Dahil sa kakulangan ng clinical pathologist dito sa Pilipinas, nagsalita ang presidente na kung kinakailangan, kukuha tayo ng mga dayuhang pathologist para pag-aralan itong mga kabataang namatay dito sa dengue vaccine," sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque.

Ayon pa kay Roque, iniutos na ni Duterte sa lahat ng government hospitals sa bansa na magbigay ng libreng serbisyo medikal sa lahat na mga nabakunahan ng Dengvaxia. 

Hindi naman nagbigay ng detalye si PAO chief Atty. Persida Acosta sa naging laman ng pagpupulong nila ni Duterte kasama sina Justice Secretary Vitaliano Aguirre at VACC chairman Dante Jimenez.

Pero sa panayam sa ANC Headstart, sinabi ni Acosta na nakakadagdag sa morale ng PAO ang pahayag ng pangulo sa isyu ng Dengvaxia.

"He said we should continue giving justice to the poor," ani Acosta.

Kaya patuloy pa ring magsasagawa ng forensic examination ang PAO sa mga batang naturukan ng Dengvaxia.

Sinagot din ni Acosta ang banat sa kanya nina dating Health Secretary Janette Garin at Senator Leila de Lima.

"'Pag natikman niyo 'yung mamatayan ng anak, d’un niyo matitikman kung gaano kasakit ang mawalan ng anak," sinabi ni Acosta.

Bagamat nirerespeto ng Department of Health (DOH) ang posisyon ng PAO, mas makabubuti umano kung makipagtulungan na lang ito sa iba pang eksperto.

Nilinaw pa ng DOH na hindi naman kasama sa UP-PGH expert panel si Dr. Racquel Fortun dahil independent consultant ito ng law firm na may hawak sa kaso ng Sanofi Pasteur, developer ng Dengvaxia.

Plano rin ng DOH na i-convene ang iba pang ahensiya na may kinalaman sa imbestigasyon ng pagkamatay dahil umano sa Dengvaxia.

"Inatasan na ang [National Bureau of Investigation] na 'yun na ang magiging legal expert for the autopsy of our deceased Dengvaxia recipients," ani DOH Assistant Sec. Maria Francia Laxamana.

Nagpaliwanag din ang DOH kung bakit hindi pa na-autopsy ang 14 na batang iniimbestigahan ng Dengue Investigative Task Force.

"Kasi nga wala pang consent ang mga parents at hindi talaga puwedeng ilabas 'yung mga data na 'yun at saka pangalan ng mga pasyente na 'yun because of our Data Privacy Act," sinabi ni Laxamana.

--Ulat ni Dominic Almelor, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.