19-anyos na binatilyo, huli sa buy-bust sa Iloilo

Joyce Ann Clavecillas, ABS-CBN News

Posted at Feb 10 2018 01:43 AM

Arestado ang isang 19-anyos na binatilyo sa ikinasang buy-bust operation sa Barangay Tanza Esperanza, Iloilo City Biyernes ng gabi.

Kinilala ang suspek na si JM Rap Zerrudo.

Narekober mula sa kanya ang 5 sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng hindi bababa sa P65,000.

Ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), kilalang tulak umano si Zerrudo.

Nasa drugs watchlist na umano ang suspek noon pang 2015, ngunit menor de edad pa noon si Zerrudo.

Konektado umano ang suspek sa isang drug group, dagdag ng PDEA.

Pinabulaanan naman ni Zerrudo na siya ay sangkot sa pagtutulak.

Aniya, huminto siya sa pag-aaral noong nakaraang taon at nagsimulang magtrabaho bilang isang construction worker.

Mahaharap si Zerrudo sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.