10 lumang bomba, nahukay sa Batangas

Kevin Dinglasan, ABS-CBN News

Posted at Feb 10 2018 12:43 AM

Natagpuan sa magkahiwalay na lugar sa probinsya ng Batangas ang 10 lumang bomba na hinihinalang mula pa noong World War II.

Unang nahukay ang 7 lumang bomba sa Barangay Lucky, Lemery Miyerkoles ng umaga.

Naghuhukay ang grupo ni Mark Martinez para sa pundasyon ng isinasaayos na barangay hall nang makita ang mga bomba.

Agad nilang inireport ito sa pulis matapos mabutas ang isa sa mga bomba at may lumabas na pulbura.

"May posibilidad pa na sumabog dahil live pa 'yung 7 natagpuang bomba," ayon kay Senior Insp. Ernesto Chavez, deputy chief ng Lemery police.

Nitong Huwebes ng umaga, natagpuan din ang 3 pang lumang bomba sa Barangay Banaba West, Batangas City.

Nahukay ang mga bomba sa ginagawang fish pond sa loob ng compound ni Mark Crismer Pamonag.

Kapwa nasa pangangalaga na ng Explosives Division ng Batangas Provincial Police Office ang mga nahukay na lumang bomba.

Mahigpit naman ang paalala ng mga otoridad sa publiko na agad ipagbigay alam sa kanila kung sakaling makakakita ng ganitong uri ng bagay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.