Ibang tsuper, hindi pa nagtataas ng pasahe dahil inaantay ang taripa

ABS-CBN News

Posted at Feb 10 2017 12:33 PM

Marami sa mga tsuper ng jeepney ay hindi pa nagpatupad ng dagdag-P1 singil sa pamasahe nitong Biyernes, dahil wala pa umano silang taripa na nakukuha mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Ang taripa ay isang papel na patunay o pruweba kung saan makikita ang presyo ng mga pamasahe.

Ayon sa ilang tsuper, mahirap naman daw maningil ng wala pang taripa mula LTFRB, kaya kung magkano lang ang ibigay ng mga pasahero nila ay tatanggapin na nila iyon. Bagama’t nanghihinayang, magtitiis daw muna sila dahil lumang taripa pa ang nakapaskil sa kanilang mga sasakyan.

Sabi naman ng ilang pasahero, magkukusa na silang magbigay ng dagdag na P1 sa kanilang pasahe kahit wala pang taripa. Para naman sa mga estudyante at senior citizen, ang P0.50 na sukli ay mahalaga pa rin, kaya sana ay may dala ring panukli ang mga tsuper. – Mula sa balita ni Kori Quintos, ABS-CBN News