99 pulis na nagpositibo sa droga, sinibak na sa serbisyo

Henry Atuelan, DZMM

Posted at Feb 10 2017 02:47 PM

MANILA- Sinibak na sa serbisyo ang 99 na pulis matapos magpositibo sa paggamit ng iligal na droga.

Ito ang kinumpirma ni Philippine National Police Internal Affairs Service Inspector General, Atty. Alfegar Triambulo sa isang press briefing sa Camp Crame Biyernes.

Ayon kay Triambulo, napirmahan na ni PNP chief Director General Ronald "Bato" Dela Rosa ang rekomendasyon ng kanilang tanggapan na sibakin sa serbisyo ang 99 na pulis na bumagsak sa confirmatory drug test.

Bukod aniya sa 99 na pulis, may 40 iba pang pulis ang iri-rekomenda ng PNP-IAS sa susunod na linggo kay Dela Rosa na masibak din sa serbisyo dahil pa rin sa paggamit ng iligal na droga.

Ani Triambulo, ang nasabing mga pulis ay kabilang sa 198 pulis na una nang bumagsak sa confirmatory drug test at tumataas pa ang bilang dahil sa patuloy na mandatory drug test sa PNP.

"You cannot divide the penalty of dismissal. That is provided by the rules," ani Triambulo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.