Panukalang maghihigpit sa mga protesta, tinutulan

ABS-CBN News

Posted at Feb 09 2018 12:15 AM

Lusot na sa Kamara ang isang panukalang batas na magpapataw umano ng mas mabigat na parusa sa sinumang magra-rally nang walang three-day notice.
    
May parusang public censure ang sinumang walang notice, maliban na lang kung gagawin ito sa freedom park, sa private property na may pahintulot ng may-ari, at sa mga paaralan ng gobyerno.

Korte lang din ang puwedeng pumigil sa rally.

Sa ilalim ng panukala, bawal ring pakialaman ng law enforcers at private individuals ang rally pero maximum tolerance ang paiiralin kaya bawal ang tear gas, smoke grenades, water cannon, at ano pa mang anti-riot device.

Puwedeng makulong ng anim na buwan hanggang anim na taon ang sinumang haharang sa public assembly na walang basehan.

Suportado ng Philippine National Police (PNP) ang naturang panukala.

"This will allow the PNP sufficient time to address those lightning rallies...Gusto nilang biglaang rally? Then the full force of this law will be implemented against them," ani Chief Superintendent John Bulalacao, tagapagsalita ng PNP.

Anim na mambabatas lang ang kumontra habang 212 ang pumabor sa panukala, na mag-aantay ngayon sa aksiyon ng Senado.

Ang mga kumontra, sinabing may malalabag na karapatan kapag tuluyang naipasa ang panukala.

"It contained provisions that were direct violations of human rights," ani Gabriela Rep. Arlene Brosas.

"It contained regressive provisions inimical to the right of free expression, right to peaceful assembly, and right to redress grievances," ayon naman kay Albay Rep. Edcel Lagman. 

Isa si presidential spokesperson Harry Roque sa may-akda ng panukala noong kongresista pa siya. Pero nilinaw niya na dapat hayaang mag-rally ang sino man.

"Under this delicate balance, anyone who resorts to unannounced rally could be held liable for their acts," ani Roque.
    
Ayon sa Palasyo, wala namang sinabi ang Pangulo kung gusto niya ng mas mabigat na parusa sa mga nagra-rally at hindi rin certified urgent ang panukalang batas.
    
--Ulat ni RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.