Lalaki, patay nang 20 beses saksakin ng napikong ampon

Isay Reyes, ABS-CBN News

Posted at Feb 09 2018 06:57 AM

Patay ang isang lalaki nang pagsasaksakin ng kaniyang ampon sa loob ng kanilang barung-barong sa Quezon City, Huwebes ng gabi.

Agad ikinamatay ng biktimang si Norberto Ramota ang hindi bababa sa 20 saksak na tinamo mula umano sa ampon niyang si Raul Palangan.

Nagtamo ng saksak si Ramota sa iba't ibang parte ng katawan lalo na sa bibig.

Hindi naman nagtangkang tumakas ang suspek na umaming napatay niya si Ramota na umampon sa kaniya noong nakaraang buwan dahil sa pangungutya nito.

"Kapag naka-inom kasi 'yan, ang sama at ang sakit ng mga sinasabi. Napikon ako, nagdilim paningin ko," ani Palagan.

Haharap ang suspek sa kasong murder.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.