Int'l court, aalamin kung may basehan ang mga bintang vs Duterte

ABS-CBN News

Posted at Feb 09 2018 11:17 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Matapos ang pahayag ng Palasyo, mismong International Criminal Court (ICC) na ang nagkumpirma sa isang video na sasailalim sa preliminary examination ang Pilipinas kaugnay ng umano'y mga extrajudicial killing sa ilalim ng drug war ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon sa ICC, aalamin sa preliminary examination kung may basehan para magsagawa ng imbestigasyon sa umano'y "crimes against humanity" na isinampa laban kay Duterte at iba pang kaalyado.

Ang Palasyo, tanggap ang aksiyon ng ICC, lalo't ang bansa ay lumagda sa Rome Statute noong 2000.

"He (Duterte) welcomes this as an opportunity to clear his name from the accusation that he is guilty of extralegal killings," ani Presidential Spokesperson Harry Roque.

Pero ang ibang kaalyado ng pangulo, umaalma sa ICC.

"Kagaya nga ng sinabi ko, they (critics) can go to hell with the ICC. We will never allow these foreign entity to meddle in our domestic affairs. We have to defend the sovereignty of this nation," ayon kay House Speaker Pantaleon Alvarez.
    
Sinabi rin ng Office of the Solicitor General na walang hurisdiksiyon ang ICC sa reklamo dahil ginagampanan naman ng mga korte sa Pilipinas ang kanilang trabaho.

 Para naman sa pulisya, hindi ito makakasagabal sa muling pagbuhay sa anti-drug operations.

"So long as we can uphold the law, we will continue with our anti-illegal drug campaign," ani Supt. Vimellee Madrid, deputy spokesperson ng Philippine National Police. 

Pero ang oposisyon tulad ni Magdalo Rep. Gary Alejano, tiwalang mananagot si Duterte na pasimuno umano ng laganap na patayan ng mga sangkot sa droga.

"I am confident on the communication we sent to the ICC and strongly believe that President Duterte and those who perpetuate and defend this policy of killing should be held accountable before the law," ani Alejano. 

Umaasa naman ang Commission on Human Rights (CHR) na makikipagtulungan ang adminsitrasyon sa ICC.

"We are duty-bound to cooperate as a state that is a party to the Rome Statute," ani Karen Dumpit, commissioner ng CHR. 

--Ulat ni Adrian Ayalin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.