Dating sundalo, binaril ang sariling anak sa Pangasinan

Michelle Soriano, ABS-CBN News

Posted at Feb 09 2018 10:35 AM

BINALONAN, Pangasinan - Binaril ng isang dating sundalo ang kaniyang anak sa loob ng kanilang tahanan, Martes ng gabi.

Ayon sa 60-anyos na suspek na si Manuel Asimba, binaril niya ng 3 beses at napatay ang kaniyang 35-gulang na anak na si Aurelio nang umuwi ito sa bahay na lasing at sinigawan ang ina niya upang bayaran ang kaniyang mga utang.

"Nanghihiram ng pera sa akin. Sabi ko, kay Papa mo ikaw magsabi. Eh hindi ko daw siya matulungan. Tapos sinisigawan-sigawan ako. Tapos hinamon niya ang Papa niya. 'Yun, nagalit na ang ama niya," kuwento ng ina ng biktima na tumangging banggitin ang pangalan.

(He was borrowing money from me. I told him to inform his father. He said I could not help him. He then scolded me and challenged his father. His father got angry.)

Hindi tumakas ang suspek na dating bahagi ng second 2nd Mechanized Infantry Brigade. Hinintay niya na lamang ang mga pulis na arestuhin siya sa kanilang bahay at kusang isinuko ang 'di lisensyadong caliber 45 pistol na ginamit sa pamamaril.

Haharap si Asimba sa kasong parricide.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.