Barangay tanod, patay sa buy-bust sa Bulacan

ABS-CBN News

Posted at Feb 09 2018 05:54 AM

Patay ang isang barangay tanod matapos umanong manlaban sa ikinasang buy-bust operation sa Barangay San Agustin, Malolos City, Bulacan.

Kinilala ang suspek na si Jerico Pangindian, isang barangay tanod ng Barangay San Gabriel.

Narekober mula sa suspek ay isang kalibre .38 na baril at ilang sachet ng hinihinalang shabu.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, una umanong nagpaputok ng baril si Pangindian nang mahalatang pulis ang katransaksyon sa bentahan ng shabu.

Dito na gumanti ang mga operatiba at napatay ang barangay tanod.

Sumuko na dati sa Oplan Tokhang si Pangindian.

"Kahit kamag-anak ng misis ko 'yan, parang hindi nagbago," ani Raymundo Alegre, isang barangay kagawad.

Dismayado naman si Supt. Heryl Bruno, hepe ng Malolos police, sa pagtutulak ng suspek.

"Minonitor siya eh. Kumbaga parang ni-revalidate. Gayunpaman, siya pa rin ang tinuturo ng mga kinukuhanan dito," aniya.

Dagdag ni Bruno, "Ang gagawin ko, iimbestigahan ang mga taga-San Gabriel, lalo na ang barangay captain. Na-mo-monitor ba nila ang kanilang tanod?" - ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.