Bagong laya, itinumba sa GenSan

Francis Canlas, ABS-CBN News

Posted at Feb 09 2018 04:21 AM

Patay ang isang bagong layang preso matapos pagbabarilin ng riding-in-tandem sa General Santos City Huwebes ng hapon.

Kalalaya lang ni Jack Galbey nang tambangin ng mga hindi pa kilalang salarin sa Hangar Road, Barangay Mabuhay pasado alas-4 ng hapon.

Si Galbey ay suspek sa panloloob sa isang pharmacy sa Barangay Lagao noong Enero 22.

Nakapagpiyansa pa si Galbey pasado alas-3 ng hapon sa kasong attempted robbery bago nangyari ang pamamaril.

Batay sa imbestigasyon ng Police Station 4, patungo ang biktima sa airport sakay ng isang taxi kasama ang kanyang misis at abogado.

"Ang sabi nila sa driver is the fastest way sa airport para mahabol nila ang pinakahuling flight," ani Senior Insp. Lemuel Enrijo, hepe ng Police Station 4.

Habang papunta sa airport, may nag-overtake umanong kotse sa biktima at hinarangan ang taxi.

Dumating naman ang mga salarin sakay ng isang motorsiklo at pinagbabaril ang biktima habang nasa loob ng taxi.

Nangyari ito sa harap mismo ng asawa ni Galbey.

Tumangging magbigay ng pahayag ang asawa ng biktima.

Ibinunyag naman nito sa mga pulis na may nagbanta sa kanyang mister na hindi ito makakalabas ng buhay sa siyudad.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.