ALAMIN: Mga trabahong sapul sa papalapit na 'Saudization'

ABS-CBN News

Posted at Feb 09 2018 07:33 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Nababahala ang ilang nagbabalak magtrabaho sa Saudi Arabia, lalo na sa larangan ng sales at retail, sa papalapit na katuparan ng bagong polisiyang "Saudization."

Base sa kautusan ng Saudi Ministry of Labor and Social Development, simula Setyembre 11 ay bawal na ang pagtatrabaho ng foreign workers sa 12 uri ng retail para bigyang prayoridad ang mga Saudi national.

Tingin naman ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA), maaari pa ring mag-apply sa mga posisyong ito hangga't hindi pa nagsisimula ang implementasyon ng kautusan.

Naniniwala rin silang hindi magkakaroon ng tanggalan sa trabaho sa Saudi basta't valid pa ang kontrata ng isang manggagawa.

"Saudi has to respect employment contracts, [if they don't] that's a violation [and] we will file a case," ani POEA Administrator Bernard Olalia.

Kadalasan, dalawang taon ang kontrata ng mga overseas Filipino worker (OFW) sa Saudi.

Nasa 6,000 ang job orders sa Saudi para sa mga posisyong may kinalaman sa retail at sales, at lahat ito ay puwede pa rin umanong apply-an ayon sa POEA.
    
Pero kapag nagsimula na ang implementasyon ng Saudization, aminado ang POEA na kailangang hanapan ng ibang oportunidad ang mga Pilipino.

"We will try to divert to other job categories," ani Olalia. 

Nauna nang sinabi ng Blas F. Ople Policy Center, isang non-government organization na tumutulong sa mga distressed OFW na ngayon pa lang ay kailangan nang paghandaan ang Saudization.

 Malaki kasi ang posibilidad na lumawak pa ang job categories na ipagbabawal pahawakan sa foreign workers dahil sa tumataas na unemployment rate sa Saudi.
    
--Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.