Suspek sa 'rent-tangay', tiklo sa Baguio

Justin Aguilar, ABS-CBN News

Posted at Feb 08 2018 02:30 AM

Naaresto ng Regional Highway Patrol Unit Cordillera ang isang suspek sa "rent-tangay" scam sa ikinasang operasyon sa Baguio City Miyerkoles ng hapon.

Kinilala ng mga otoridad ang suspek na si Peter Bentayen. 

Dinakip nila ito sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Judge Fernando Vil Pamintuan ng RTC, First Judicial Region Branch 3 ng Baguio City taong 2003 sa kasong paglabag sa Republic Act 8282 o Social Security Law.

Dawit umano ang pangalan ni Bentayen sa mga kaso ng "rent-tangay" na dumaraan sa kanilang opisina.

"Ang modus ng mga ito ay rinirentahan ang mga sasakyan then aayusin 'yung papeles, ibebenta sa mga tao. So ang magiging biktima doon 'yung nagparenta at 'yung bibili dahil at the end 'yung sasakyan ay kukunin at kukunin din ng bangko," ani Supt. Godofredo Tul-o, officer-in-charge ng Highway Patrol Group Cordillera.

Samu't saring paraan daw ng pang-i-scam ang ginagawa ni Bentayan para lang makabenta ng mga nirentahan o ni-loan lamang sa bangko na sasakyan. 

Ang ilan, ibinenta nito sa mismong mga kaanak. Ang mga narekober, karamihan high-end at mula pa sa Maynila.

Dagdag pa ni Tul-o, nakaka-alarma na raw ang bilang ng mga kasong naitatala na may koneksyon sa nasabing modus.

"In my point of view, alarming po 'yung kaso ng mga ito kasi based on observations natin may mga pulis na narekoberan natin, nagsusurender na mga civilian dito na mga sasakyan. Allegedly galing sa mga ganyang modus," aniya.

Nakapagpiyansa ang suspek sa halagang P10,000.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.