IED, nakita malapit sa checkpoint sa Davao

Madonna Timbal-Senajon, ABS-CBN News

Posted at Feb 08 2018 10:51 AM

DAVAO CITY – Agad na rumesponde ang awtoridad matapos makatanggap ng impormasyon hinggil sa kahina-hinalang cellophane na iniwan sa tabi ng kalsada ng national highway sa Lasang, Huwebes ng umaga.

Sinuyod ng bomb squad ang lugar at narekober ang isang improvised explosive device o IED na pinaniniwalaang iniwan sa lugar kagabi o di kaya Huwebes ng madaling araw.

Ayon kay Col. Nolasco Mempin, commander ng Task Force Davao, kumpleto sa components ng IED ang narekober na bomba dahil meron itong fuse, shrapnel na metal fragments, ammonium nitrate na explosive component, detonating cord bilang booster, at PVC pipe na casing.

Nakita ang IED dalawang kilometro ang layo mula sa TFD Lasang checkpoint.

“Hindi siya remote. Manual siya kaya kapag sinindihan ‘to puputok ito,” ayon kay Mempin.

Peligroso kung pumutok ang IED dahil aabot sa 5 hanggang 10 metro ang layo ng damage radius nito.

Lumalabas sa imbestigasyon na ang nasabing IED ay isang signature bomb ng New People’s Army (NPA).

Dagdag pa ni Mempin, posibleng ang tropa nila sa checkpoint ang puntirya lalo pa’t target ng NPA ang mga sundalo at pulis.

“Nag-declare ang NPA, si Joma Sison, na they will intensify offensive against AFP (Armed Forces of the Philippines). However, due to our intensified security measures hindi nila natuloy ang plano nila,” sabi ni Mempin.

Dahil sa insidente, mas lalong hinigpitan at pinaigting ng AFP at PNP (Philippine National Police) ang kanilang security measures para hindi makalusot ang mga may planong maghasik ng gulo sa Davao City.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.