Higit 70 dayuhan, itinaboy dahil sa 'pambabastos' sa immigration officers

ABS-CBN News

Posted at Feb 08 2018 10:13 PM

Umabot sa mahigit 70 dayuhan ang hindi pinayagang makapasok sa bansa dahil umano sa pambabastos sa mga immigration officers sa airport.

Ayon kay Atty. Tonette Mangrobang, tagapagsalita ng Bureau of Immigration, may 74 kaso ng dayuhan na pina-exclude noong nakaraang taon. 

Karamihan sa kanila ay nagrereklamo umano sa pila at sa pagsagot ng arrival card.

Nakunan din sa CCTV nito lang katapusan ng Enero ang pambabastos umano ng isang dayuhan. 

Sa video, makikita ang isang British na nakikipagtalo sa immigration counter sa NAIA Terminal 1.

Nagmamatigas umano ang banyaga at ayaw pumayag magpa-biometrics kaya't nakipagtalo pa ito sa immigration officer.

Dahil sa patuloy na pagrereklamo ng British sa immigiration officer, napilitang magdesisyon na i-exclude o pabalikin ang foreigner sa pinanggalingang bansa.

Isa rin sa mga naka-engkuwentro ng bastos na banyaga ang immigration officer na si Jen Timbreza na pinagduduro at tinawag na tanga ng isang dayuhan.

Ayon naman kay Marge Mendoza, isa ring immigration officer, sinabihan umano siya ng isang banyaga na 'third world country' ang bansa.

Base sa memorandum order kaugnay ng exclusion of aliens, sakaling mapatunayan nambabastos sa immigration officers ang banyaga, o kaya'y ayaw mag-submit ng requirements tulad ng arrival card at ayaw mag pa-biometrics, maaaring pauwiin agad ang dayuhan sa kanilang bansa.

Tatlong buwang blacklisted at hindi puwedeng makabalik ang dayuhan maliban na lang kung hihingi ng pasensiya, ayon kay Mangrobang. 

Paalala ng Immigration, magbigay-galang pa rin sa mga immigration officers, lalo na ang mga dayuhan.

--Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.