ALAMIN: 'Talakbu' modus, paano ito maiiwasan?

ABS-CBN News

Posted at Feb 08 2018 04:55 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Nag-viral sa social media noong nakaraang buwan ang video na in-upload ni Ronald Dizon, kung saan mapapanood na tumilapon at nagpagulong-gulong ang isang magtataho matapos mahagip ng isang sasakyan.

Ayon sa Philippine National Police (PNP), hindi ito aksidente. Sa halip ay isang modus na tinatawag na "taho-lako-bundol" o "talakbu."

"Very cheap 'yong kaniyang choreography kasi napansin ko, kung tatawid siya ng kalsada, sana tumawid na agad," ani Chief Inspector Bryan Gregorio, criminologist ng PNP Public Information Office.

"Hindi agad siya tumawid, pero nagdahan-dahan siyang gumitna," dagdag ng pulis.

Napuna rin ni Gregorio na walang laman ang lalagyanan ng taho ng lalaking nabundol sa video.

Kapansin-pansin din umano na kakaiba ang pagtilapon ng lalaki.

"'Yong ginawa niya has violated the law of physics. Kung ikaw ay nabunggo, your movement must be either forward or sideways," ani Gregorio.

Sabi ni Gregorio, maaaring kasuhan ang lalaking nasa video sakaling mapatunayang nanggagantso ito.

Pasok umano bilang "deceit" o panlilinlang ang "talakbu" na mapaparusahan sa Article 318 ng Revised Penal Code.

Payo ni Gregorio sa mga nagmamaneho ay maging alerto sa paligid.

"Kung sa tingin natin, it's a fraud, there is deceit, better 'wag tayong lumabas ng sasakyan. Tawag ka kaagad sa 911. Tawag ka ng pulis," ani Gregorio.

Makatutulong naman ang pagkakaroon ng dashboard camera o dash cam para madokumento ang mga aberya sa kalsada.

Ugaliin din umanong tumingin sa magkabilang side mirror para malaman kung may kasabayang sasakyan o pedestrian.

Para sa dagdag na ligtas tips, sundan ang “Red Alert” sa Facebook  at Twitter

-- Ulat nina Toph Doncillo at Jeff Canoy, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.