Speed limit sa mga kalsada, maaari nang itakda ng mga LGU

ABS-CBN News

Posted at Feb 07 2018 05:22 PM | Updated as of Feb 07 2018 07:55 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Maaari nang magtakda ang mga pamahalaang lokal ng speed limit sa kanilang mga nasasakupang kalsada.

Ito ang pinagtibay ng Joint Memorandum Circular (JMC) 2018-001 sa pagitan ng Department of Transportation (DOTr), Department of Public Works and Highways (DPWH), at Department of the Interior and Local Government (DILG).

"Nandoon na sa JMC 'yong aming template ordinance para itong LGU (local government unit), mabilis na mapapatupad itong JMC na ito," ani Transportation Assistant Secretary Mark De Leon sa isang press briefing nitong Miyerkoles.

Magsisilbing gabay ang JMC para sa mga pamahalaang lokal na magpapasa ng ordinansang magtatakda ng speed limit.

Ipinapanukala ang 20 kilometro kada oras o kilometer per hour (kph) na speed limit sa mga barangay road o kalsadang masisikip at maraming tao.

Sa mga highway naman, nasa 80 kph para sa mga kotse at motorsiklo, habang 50 kph para sa mga bus at trak.

Layon din ng JMC na mabawasan ang mga aksidente sa kalsada sa pamamagitan ng paglimita sa bilis ng mga sasakyan.

Mapaparusahan din ang mga lalabag sa ordinansa, at maaaring mapatawan ng multang hanggang P3,000, o posibilidad na ma-impound ang sasakyan, at pagkakakulong.

Ikinatuwa naman ng road safety advocate group na Dakila ang hakbang.

"Hindi naman niya masasagot lahat but definitely it's one step ahead of ensuring the road safety dito sa Pilipinas," ani Rash Caritativo ng Dakila.

Sa kabila kasi ng mga dating batas na nagbabawal sa pagmamaneho lampas sa speed limit, hindi umano ito mahigpit na ipinapatupad.

"A lot of the LGUs, they're not classifying their roads," ani Atty. Monica San Luis ng grupong Imagine Law. "'Yong mga LGU na may magandang speed limit ordinances ... 'di sila bumibili ng equipment na kinakailangan."

Pagkalipas ng anim na buwan, titingnan ng DOTr, DPWH, at DILG ang mga pamahalaang lokal kung naipatutupad ang ordinansa.

Sa pag-aaral ng World Health Organization, nangungunang dahilan ng fatal road crashes o mga nakamamatay na aksidente sa kalsada ang pagmaneho nang mas mabilis sa itinakdang speed limit.

-- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.