Koreano na wanted sa $100-M investment scam, arestado sa QC

Johnson Manabat, ABS-CBN News

Posted at Feb 07 2018 03:21 PM | Updated as of Feb 07 2018 03:57 PM

Koreanong scammer timbog sa QC. Larawan mula sa Bureau of Immigration

MAYNILA - Arestado ng mga tauhan ng Bureau of Immigration ang isang Koreano na wanted sa isang $100-million investment scam.

Dinampot ng Fugitive Search Unit ang suspek na si Chun Taejoon, 51, sa Kalayaan Avenue, Diliman, Quezon City.

Ayon sa mga awtoridad, nakapambiktima ng 10,000 tao si Chun na matagal nang ipinaaaresto ng Eastern District Court ng Seoul.

Nadiskubre naman ng Bureau of Immigration na June 2, 2009 pa paso ang pasaporte ni Chun na may kasong large scale fraud.

Una nang tinimbrehan ng Embahada ng Republic of Korea ang Pilipinas tungkol sa pagtatago sa bansa ng wanted na Koreano.

Pansamantalang nakadetine ang nasabing banyaga sa detention facility ng Immigration sa Taguig.