Ginang, timbog sa buy-bust sa Davao

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Feb 07 2018 02:59 AM

Arestado ang isang 34-anyos na babae sa ikinasang buy-bust operation sa Barangay Pampanga, Davao City Martes ng gabi.

Narekober mula kay alyas Gina ang 11 sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng mahigit P10,000.

Hindi na muna pinangalanan ng pulisya ang suspek habang patuloy pa ang kanilang imbestigasyon.

"Matagal na siyang noted kaya naaresto namin. Lumalabas ang pangalan niya sa ibang nahuli namin," ayon kay Chief Insp. Emerson Pugong, hepe ng Sasa police. 

Depensa naman ni Gina, napilitan lamang siyang magbenta ng ilegal na droga dahil sa kahirapan.

"Mahirap talaga kasi ang asawa ko ay isang tindero lang. Kamakailan lang din, nasunogan kami ng bahay," aniya. 

Ang mag-asawa ay may tatlong anak.

Mahaharap si Gina sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.