2 dagdag lanes sa Katipunan Avenue bukas na

ABS-CBN News

Posted at Feb 07 2018 10:27 AM

MANILA - Binuksan na sa publiko ang 2 karagdagang southbound lanes sa Katipunan Avenue sa Quezon City ngayong Miyerkoles. 

Ito ay mula sa Shuster Street sa University of the Philippines (UP) Integrated School hanggang CP Garcia Street. 

Layon ng mga lane na maibsan ang trapiko sa lugar lalo't daanan ito ng mga papuntang Ateneo de Manila University, Miriam College at UP Diliman, sabi ni Public Works Sec. Mark Villar.

Nasa P55 milyon ang inilaang budget para sa 672-metrong lanes, na dati'y damuhan lang pero ngayon ay konkreto na. 

Preparasyon din ang mga lane para sa itatayong viaduct sa lugar, ani Villar. 

Hinihintay na lamang aniya ang permiso ng National Economic and Development Authority para sa pagtayo ng naturang viaduct. Maaari itong madaanan ng mga nais umiwas sa masikip na trapik sa Commonwealth Avenue at Mindanao Avenue extension. 

Nakalinya rin ngayong taon ang pagpapatayo ng tulay sa Pasig River mula Sta Monica hanggang Lawton, pagpagpaganda sa Mindanao Avenue extension at konstruksiyon ng Laguna Lake Highway. 

May ulat nina Ernie Manio at Jekki Pascual, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.