2 persons of interest sa pagpugot ng dalagitang kasambahay, pinangalanan

ABS-CBN News

Posted at Feb 07 2017 10:06 AM

MANILA - Natukoy na ang 2 persons of interest sa kaso ng 17-anyos na dalagitang pinugutan ng ulo noong Enero.

Ayon kay alyas "Boyet," tiyuhin ng biktimang si Richelle Sagang, kasamahan ng dalagita bilang mga kasambahay ang persons of interest na sina Leon Marco at Samantha.

Sila aniya at ang amo ni Sagang na nakilala lamang bilang "Aleli" ang huling nakitang kasama ng dalaga.

Sinasabing pina-blotter ng 3 si Sagang sa security office ng Ayala Alabang Village dahil umano sa pagnanakaw. Doon ay nakitaan na ng mga pasa sa katawan ang biktima.

Matapos nito, natagpuan ang katawan ni Sagang sa Santa Maria, Bulacan noong Enero 12 habang nakita naman ang kanyang pugot na ulo sa isang creek sa Makati makalipas ang 2 araw.

Noong Enero 28, nakausap ng mga kaanak ni Sagang ang amo nito nang pumunta sila sa Ayala Alabang Village para kuhanin ang mga gamit ng biktima mula sa pinagtrabahuhang bahay, ayon kay Boyet.

Pero hanggang ngayon, wala pa rin anyang maisip na motibo sa krimen ang pamilya ng dalaga dahil wala umano itong nabanggit na problema sa kanyang amo.

Dagdag ni Boyet, sinabi mismo sa kanila ni Aleli na matagal na nitong kilala si Sagang dahil kaibigan niya ang dati nitong amo.
 
Una na ring itinanggi ni Aleli na may kinalaman siya sa pagkamatay ng teenager.

Nangangamba naman ang Southern Police District na tuluyan nang hindi matagpuan ang persons of interest na sina Marco at Samantha.

Kinumpirma rin ng SPD na nag-match ang DNA test sa ulo at katawang natagpuan kaugnay ng kaso at nakumpirma nilang kay Sagang ang mga ito.

"Dahil d'yan, may death certificate na tayo na magagamit natin sa pag-file ng kaso," ani Senior Supt. Joel Orduña, deputy director for administration at pinuno ng Special Investigation Task Group "Sagang."

Inihahanda na ng pulisya ang kaso laban sa mga pinaniniwalaang may kinalaman sa krimen. -- May ulat ni Raffy Santos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.