Poultry worker, patay sa pamamaril sa Bulacan

Ron Lopez, ABS-CBN News

Posted at Feb 06 2018 03:34 AM

Patay ang isang lalaki matapos pagbabarilin sa Barangay Pulong Buhangin, Sta. Maria, Bulacan Lunes ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Jay Gutierez, 28-anyos, isang poultry caretaker ng Barangay Pulong Yantok, Angat.

Kuwento ng isang saksi, nakaupo ang biktima sa kanyang motorsiklo habang hinihintay ang kanyang asawa na nagtatrabaho sa lugar.

Bigla umanong pinagbabaril si Gutierez ng suspek na kinilalang si Andy Clemente na nakatira rin sa Barangay Pulong Yantok, Angat.

Sinubukan pang tumakbo ng biktima ngunit napuruhan na ito, bumagsak sa damuhan, at agad na binawian ng buhay.

Paghihiganti ang tinitingnang motibo sa krimen dahil dati ng may alitan ang dalawa.

Ayon sa asawa ni Gutierez, pinalo umano ng biktima ang suspek ng tubo sa ulo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.