Mga OFW na gustong magtrabaho sa Kuwait, kumakagat umano sa illegal recruiter

ABS-CBN News

Posted at Feb 06 2018 12:49 AM | Updated as of Feb 06 2018 03:12 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Naaalarma ang Philippine Association of Accredited Agencies to Kuwait (Philaak) dahil sa mga natatanggap nilang ulat ng mga overseas Filipino workers (OFWs) na kumakagat sa mga illegal recruiter para lang makarating ng Kuwait.

"Mayroon nang umaalis na ang tawag namin ay 'backdoor,' na-de-deploy illegally, dumadaan kung saan-saang channel, kung saan-saang bansa," ani Amanda Araneta, pangulo ng Philaak.

Umapela rin ang Philaak sa gobyerno na payagan nang makaalis pa-Kuwait ang ilang OFW na nabigyan na ng work visa.

Ito ay upang hindi masayang ang kanilang gastos at pagod sa pag-aplay sa trabaho.

Enero 19 nang magpalabas ng kautusan ang Department of Labor and Employment (DOLE) na nagsususpinde sa pag-alis ng mga OFW na bagong hire o kuha pa lang papuntang Kuwait.

Binibigyang daan din kasi ng suspensiyon ang imbestigasyon sa pagkamatay ng pitong OFW dahil umano sa mapang-abusong employer.

Sa unang tantiya ng DOLE, 15 araw ang kakailanganin para masagawa ang pagsisiyasat.

Pero hanggang ngayon ay hindi pa tapos ang imbestigasyon at hindi pa inaalis ang suspensiyon.

Kritikal ang resulta ng imbestigasyon dahil ito ang magiging batayan kung papayagan pa bang magtrabaho ang mga Pilipino sa Kuwait.

"I want to be very sure that if we deploy them in Kuwait, they will be in safe hands," ani Labor Secretary Silvestre Bello III.

"Anytime this week we will make a decision on the suspension, whether to ban or lift it," dagdag ng kalihim.

Bukod sa Kuwait, tinututukan na rin ng DOLE ang Qatar kung saan dati na ring nagpatupad ng deployment suspension dahil sa diplomatic crisis.

Ayon sa DOLE, higit 600 Pilipino sa Kuwait ngayon ang mga nasa shelter matapos tanggalin sa trabaho dahil sa pag-alis ng mga kompanya mula Saudi Arabia.

Tinitingnan din ng DOLE ang kalagayan sa Saudi Arabia kung saan nakararanas ng retrenchment dahil sa Saudization o pagpapahalaga sa mga Saudi citizens pagdating sa trabaho.

Isang pangkat ang ipadadala ng DOLE sa Middle East para magbigay ng mas kongkretong ulat ukol dito.

-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.