Ex-barangay police, patay sa pamamaril sa Muntinlupa

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Feb 06 2018 05:24 AM

Naabutang nakahandusay si Robert Natuel matapos pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Muntinlupa. Kuha ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Patay ang isang dating tauhan ng barangay police matapos pagbabarilin ng riding-in-tandem sa lamay ng kanyang kaanak sa Muntinlupa Lunes ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Robert Natuel, alyas Buboy, 37-anyos. Nagtamo siya ng tama ng baril sa ulo at leeg.

Kuwento ni Resty Sibulo ng barangay police, nangyari ang insidente alas-9:30 ng gabi nang dumating ang mga hindi pa kilalang salarin.

Nasa labas ng lamay si Natuel sa Amparo St., Barangay Poblacion at biglang pinagbabaril.

Narekober sa crime scene ang hindi bababa sa 7 basyo ng bala.

Palaisipan sa kapatid ng biktima ang pamamaslang.

Ayon kay Senior Insp. Julie Ann Baloran, wala umanong kaaway ang biktima.

"'Yung mother ko nag-aasikaso sa kanya. Dinadalhan ng pagkain sa bahay. Pag may napaaway 'yan, nalalaman ko, pero wala," aniya.

Dating tauhan ng barangay police ang biktima pero walang trabaho ngayon.

Namatay din sa pamamaril noong 2011 ang kapatid ng biktima na si PO2 Ronald Natuel.

Nakaaway umano ng pulis ang isang kapwa pulis sa harap ng presinto sa Muntinlupa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.