Estudyante tumalon mula sa jeep dahil sa 'masamang balak' ng tsuper

Isay Reyes, ABS-CBN News

Posted at Feb 06 2018 07:55 AM | Updated as of Feb 06 2018 07:58 AM

Nagtamo ng galos sa braso ang isang estudyante matapos itong tumalon sa isang pampasaherong jeep sa Quezon City. Kuha ni Isay Reyes, ABS-CBN News

MANILA - Tumalon mula sa umaandar na pampasaherong jeep ang isang estudyante matapos umano siyang pagbalakan nang masama ng driver sa Barangay Greater Lagro, Quezon City nitong Lunes ng gabi. 

Kuwento ng biktimang si alyas Kiara, kinabahan siya nang maiwang mag-isa sa jeep. Aniya, "Tingin po siya (driver) nang tingin na parang may masamang balak." 

Sinubukan umano ng biktima na bumaba, pero hindi itinigil ng driver ang sasakyan. 

"Nag-para po ako nang 3 beses. Sumisigaw na nga po ako, pero lalo pa po siya nagmadali," sabi ng estudyante. 

Dito na tumalon si Kiara mula sa umaandar na sasakyan. 

Inihinto naman ng suspek ang jeep kaya nalapitan ito ng isang traffic enforcer. 

Dinala sa presinto ang tsuper, pero itinanggi niyang pinagbalakan niya nang masama ang pasahero. 

"Hindi ko alam bakit pinagbibintangan ako eh di ko naman narinig. Kaya nga ako tumigil. Nagulat na lang ako na tumalon siya," sabi niya. 

Hindi muna pinangalanan ng ABS-CBN News ang tsuper habang hindi pa siya nakakasuhan ng pulisya. Posible siyang maharap sa kasong grave coercion at physical injuries ang tsuper.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.