2 patay sa salpukan ng 2 motorsiklo sa GenSan

Jay Dayupay, ABS-CBN News

Posted at Feb 06 2018 10:58 PM

Dalawa ang patay sa salpukan ng mga motorsiklo sa national highway sa Barangay Baluan, General Santos City nitong Martes. Jay Dayupay, ABS-CBN News

GENERAL SANTOS CITY - Patay ang dalawang katao matapos magsalpukan ang dalawang motorsiklo sa Barangay Baluan, General Santos City nitong Martes ng umaga.

Kinilala ang mga biktima na sina Ruel Vincent Colita at Gary Amado, na isinugod pa sa ospital ngunit binawian din ng buhay bandang alas-4 ng hapon.

Sa imbestigasyon ng GenSan Traffic Management Unit, lumalabas na head-on collision ang insidente.

“Galing sa magkaibang direction yong dalawang motor, pagdating sa bandang Purok Damayan sa Baluan Highway, nag-over take itong isang motor, pag-over take niya tiyempo namang dumating yong isa kaya head-on collision ang nangyari," ani PO2 Maynard Mallo, imbestigador ng GenSan Traffic Management Unit.

Ayon sa mga testigo, bigla na lang silang nakarinig ng malakas na kalabog at paglabas nila sa highway, nakita na lang nila ang dalawang lalaking duguan at nakahandusay sa kalsada.

“Ang lakas talaga ng impact kasi dinig na dinig namin sa loob ng bahay iyung banggaan nila," ani Cristine Joy Santiago, residente.

Sina Colita at Amado ang unang dalawang namatay sa GenSan ngayong buwan at pang-anim ngayong taon. Noong 2017, 68 ang namatay sa disgrasya sa GenSan. Pinakamaraming nasangkot sa aksidente ay mga 4-wheeled vehicle at motorsiklo.

“Ang problema kasi sa ibang driver, basta maka-drive lang okay na, dapat isipin din natin yong ibang gumagamit ng kalsada para hindi tayo madisgrasya," ani PO2 Limuel Aves, imbestigador ng GenSan Traffic Management Unit.

Hindi na bago ang mga madugong aksidente sa national highway ng Barangay Baluan. Noong Disyembre 27, patay ang isang Indian national matapos sumalpok ang kanyang minamanehong motorsiklo sa isang kotse.

Noong 2016, dalawa din ang patay habang tatlo ang sugatan sa karambola ng mga sasakyan sa Baluan Highway.

Ang patuloy na paalala ng mga opisyal ay mag-ingat sa pagmamaneho, lalo na sa 6-lane Baluan Highway.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.