Opisyal ng San Jose Del Monte, patay sa pamamaril

Ron Lopez, ABS-CBN News

Posted at Feb 05 2018 11:57 PM

Patay ang isang opisyal ng San Jose Del Monte, Bulacan matapos pagbabarilin sa harap mismo ng kanyang bahay sa Barangay Fatima 2 ng naturang lungsod Lunes ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Orpha Velasquez, 50-anyos, chairman ng Bids and Awards Committee ng San Jose Del Monte.

Ayon kay Senior Supt. Romeo Caramat Jr., provincial director ng Bulacan police, pinagbabaril ang biktima ng limang lalaking sakay ng isang Mitsubishi Adventure at isang motorsiklo bago pa man ito makapasok sa kanilang gate.

Kakababa lamang ni Velasquez sa kanyang sasakyan, dagdag ni Caramat.

Dinala pa ang biktima sa ospital ngunit binawian ito ng buhay dahil sa iba't ibang tama ng bala sa kanyang katawan.

Posibleng may kaugnayan sa trabaho ang pamamaslang kay Velasquez dahil nakatanggap na umano ito ng banta sa buhay simula pa noong nakaraang taon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.