DOJ, hinamong busisiin ang pagkamatay ng 'Bilibid scandal' whistleblower

April Rafales, ABS-CBN News

Posted at Feb 05 2017 11:42 AM

MANILA - Hinamon ng whistleblower na si Sandra Cam si Justice Secretary Vitaliano Aguirre II ngayong Linggo na tutukan ang imbestigasyon sa pagkamatay ng isang guwardiyang nagsiwalat sa mga iligal na kalakaran sa loob ng New Bilibid Prison noong 2012.

Sabado ng umaga binaril hanggang sa mapatay ng 2 hindi nakikilalang suspek ang prison guard na si Kabungsuan Makilala sa loob ng isang bus sa Carmen, Davao del Norte.

Nakatakas ang mga gunman, na ayon sa mga nakakita ay naka-vest.

Giit ni Cam, kumbinsido siyang walang ibang motibo sa pagpaslang kay Makilala kundi ang pagbunyag nito sa anomalya sa mga allowance ng mga preso sa NBP.

Panahon aniya ni Senator Leila De Lima bilang justice secretary nang ipasok si Makilala sa Witness Protection Program pero kalaunan ay inalis ito sa programa at inilipat sa Davao Prison and Penal Farm.

Naniniwala si Cam na lumala ang banta sa buhay ni Makilala dahil sa pagkakadestino nito sa Davao.

Anya, dapat himayin ni Aguirre at ng National Bureau of Investigation ang pagkamatay ni Makilala dahil masamang senyales ito sa kawalan ng proteksyon para sa mga whistleblower.

Naging emosyonal din si Cam at nangakong pag-iibayuhin ng mga whistleblower gaya niya ang paglaban sa korupsyon.

Nakatakdang magbigay ng press conference ang Whistleblowers Association of the Philippines sa pangunguna ni Cam ngayong Linggo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.