Seguridad sa Abra pinaigting para sa athletic meet

ABS-CBN News

Posted at Feb 04 2018 09:38 AM

Binabantayan ng isang sundalo ang isang checkpoint sa lungsod, ilang oras bago magbukas ang CARAA Meet 2018. Larawan mula kay Samuel Nerona

BANGUED, Abra - Hinigpitan na ang seguridad sa lalawigang ito para sa pagbubukas ng Cordillera Administrative Region Athletic Association (CARAA) Meet 2018 ngayong Linggo. 

Nasa 900 pulis at sundalo ang ipakakalat sa Abra Sports Complex, kung saan magtatagpo ang 4,000 atleta mula sa iba't ibang bahagi ng Cordillera, ayon sa Bangued police. 

Idadaos ang CARAA meet isang buwan matapos ang pagpapasabog sa piyesta ng La Paz, Abra, kung saan namatay ang 2 pulis at nasaktan ang 54 iba pa, kasama ang mag-asawang Congressman JB Bernos at La Paz Mayor Menchie Bernos.

Huling idinaos ang CARAA meet sa Abra 17 taon na ang nakakalipas. 
 
Nagsidatingan na ang mga delegado sa Bangued at fully booked na ang mga hotel dito. 

Alas-3 Linggo hapon bukas magsisimula ang parada ng mga kalahok sa Taft Street habang alas-6 ng gabi naman ang opening program ng sports event.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.