SAPUL SA CCTV: Tsuper, patay sa pamamaril sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Feb 04 2018 07:28 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Patay ang isang tsuper na bus matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang salarin noong Sabado sa isang karinderya sa Sampaloc, Maynila.

Kinilala ang biktima bilang si Guillardo Balaan, 48 taong gulang at tsuper ng isang bus ng GV Florida Transport.

Sa kuha ng CCTV, habang kumakain si Balaan sa karinderya ay nilapitan ito ng isang lalaki at binaril ng dalawang beses.

Agad natumba ang biktima habang tumakas naman ang suspek na ayon sa mga testigo ay sumakay sa isang sedan.

Sinugod pa si Balaan sa University of Santo Tomas Hospital pero idineklara ring dead on arrival dahil sa tama ng bala sa batok at kaliwang pisngi.

May isang testigo ring hinimatay dahil sa insidente.

Nakuha mula sa pinangyarihan ng krimen ang basyo ng bala ng kalibre .45 na baril.

Nakikipag-ugnayan na ang pulisya sa mga kaanak ng biktima sakaling may alam sila sa posibleng motibo sa pamamaril.

Hinala naman ng pulisya ay galit ang motibo.

"Kasi naman kung titingnan mo naman, bakit naman para puntahan ka roon, barilin ka pa doon sa Florida?" ani Senior Inspector Philipp Ines ng Manila Police District.

Pinaghahanap na rin ng pulisya ang gunman na nahagip sa CCTV.

-- Ulat ni Michael Delizo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.