English teacher, patok na trabaho sa China

ABS-CBN News

Posted at Feb 04 2018 05:09 PM | Updated as of Feb 04 2018 08:50 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Mataas ang pangangailangan ng China para sa mga English teacher, ayon sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA).

Ayon kay POEA officer-in-charge Bernard Olalia, pasok ang English teacher sa 1,900 job orders o trabahong maaaring pasukin ng mga Pilipino sa China.

"With the participation of private recruitment agencies and the foreign recruitment agencies, pwede ho kayong mag-apply ng teacher sa bansang China," ani Olalia.

Kabilang sa mga general requirement sa English teachers sa China ang mga sumsunod:

  • Bachelor's degree with license
  • TESOL (Teachers of English to Speakers of Other Languages) at TOEFL (Test of English as a Foreign Language) certification
  • Training certificate
  • May 2 taong karanasan sa pagtuturo
  • Good communication skills

Isa si John Cris Labilles sa mga Pilipinong nagtatrabaho bilang English teacher sa China.

"Compensaton is good," ani Labilles. "They offer good salary for Filipino teachers."

Kuwento ni Labilles, mataas din ang tingin ng mga Chinese sa mga Pilipinong manggagawa.

"Kinikilala nga ng China 'yung mga Filipinos sa pagtatrabaho, we are very hardworking," aniya.

Kaya ikinatutuwa rin ni Labilles ang mabuting ugnayan sa ilalim ng pamahalaan ni Pangulong Rodrigo Duterte at ng China dahil nagbibigay daan umano ito para mabigyan ng trabaho sa China ang mga overseas Filipino workers (OFWs).

Bukod dito, binuksan na rin ng China ang tinatawag na China R visas o Chinese "talents visa."

Pasok sa nabanggit na visa ang mga propesyonal tulad ng siyentista, artist, at iba pang trabahong may kaugnayan sa mga natatanging talento.

Multiple entry ang "talent visa" at valid mula lima hanggang 10 taon.

Ayon sa POEA, maaaring mag-apply ng trabaho sa China sa pamamagitan ng direct hire o recruitment agency na aprubado ng gobyerno.

Nag-abiso rin ang POEA na tingnang maigi kung legal ang nag-aalok ng trabaho sa China para makaiwas sa problema.

-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.