Magnanakaw na puntirya ang ride-hailing services, tinutugis

ABS-CBN News

Posted at Feb 03 2018 07:47 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Pinaghahanap ngayon ang isang lalaki na nambibiktima ng mga ride-hailing services na modus magpanggap na pasahero para pagnakawan ang nagmamaneho.

Isa sa mga nabiktima ng salarin ang driver na si Michael Bucag, na hindi makapaghanapbuhay ngayon dahil tinangay ng kawatan maging ang kaniyang lisensya noong Enero 26.

Kuwento ni Bucag, nag-book mula sa isang hotel sa Quezon City ang suspek papunta sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1.

"Nagulat ako kasi hindi siya 'yung nasa booking, pero dahil baka ireklamo ako, tinanggap ko na rin," ani Bucag.

Susunduin umano ng suspek ang kaniyang nanay sa airport.

"Pinapasok niya sa parking [ng NAIA], tapos kunwari may kausap sa cellphone... Sakto naman 'yung misis ko tumawag, kaya respeto sa pasahero, lumabas ako [at] tuloy nag-CR. Sandaling-sandali lang, nagulat ako pagbalik ko wala na 'yung mga gamit ko," ani Bucag.

Sa presinto na nalaman ni Bucag na pang-7 na pala siya sa mga nabiktima ng suspek na kinilala sa pangalang Jayson Dela Cruz.

Dati na umanong nakulong sa kasong theft si Dela Cruz pero nakalaya rin matapos hindi umattend sa hearing ang nauna niyang biktima.

Modus umano ng suspek na magkunwaring naka-check in sa isang hotel at makapalagayan ng loob ang kaniyang mga driver. 

"Pag andun na sa airport, magsasabi siya ng mga excuses para umalis o makalingat ang driver and after that, kukunin niya ang personal belongings ng driver," ani Ariel Inton, abogado ng isa sa mga biktima. 

Ang sinumang may impormasyon sa suspek ay maaaring tumawag sa PNP Aviation Security group sa numerong 09159328276.

--Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.