ALAMIN: Mga nakalatag na plano sakaling mag-alert level 5 ang Mayon

ABS-CBN News

Posted at Feb 03 2018 04:17 PM

Dahil nasa alert level 4 pa rin ang estado ng Bulkang Mayon at wala pang katiyakan kung kailan titigil ang pag-aalburoto nito, naghahanda na ang lokal na pamahalaan ng Albay at iba't ibang grupo sa rescue operations.

Sa programang "Red Alert" ay ipinakita ng Naval Forces-Southern Luzon kung paano gagawin ang pag-rescue sa evacuees sakaling maging mapaminsala ang pagsabog ng Bulkang Mayon at umabot sa alert level 5, ang pinakamataas na antas, ang alerto dito. 

Isasakay sa mga rubber boat ang mga bata, matatanda, may kapansanan at mga buntis. Mula sa mga rubber boat, ihahatid ang evacuees sa naghihintay na patrol craft.

"Itong barko natin, ang capacity nito is around 350 to 400. Then, 'yung isang patrol craft natin is around 80," banggit ni Naval Forces-Southern Luzon Deputy Commander Capt. Danilo Fernandez Jr.

"So tuloy-tuloy ito although limitations natin 'yung tatlong rubber boats natin dito. Kaya lang niya na [capacity ay] sampu."

Mula Legazpi, Albay, dadalhin ang mga na-rescue sa lugar na itatalagang safe zone.

Ipinapaalala sa mga evacuees na huwag nang magdala ng maraming gamit kapag sasakay ng bangka.

“Unang-una, 'yung alon ang kalaban natin. 'Yung mga tao naman natin is trained for this purpose,” ani Fernandez. 

Halos dalawang linggo na nang mag-umpisang maglabas ng lava at abo ang Mayon Volcano, na nagbunsod ng malawakang evacuation sa paligid nito. 

Sa ngayon, kumalma ang bulkan ayon sa PHIVOLCS ngunit hindi pa rin isinasantabi ang posibilidad ng malakas na pagputok nito. Nasa alert level 4 pa rin ang Mayon at may higit 79,000 katao pa rin ang nasa mga evacuation center. 

Para sa karagdagang detalye, sundan ang “Red Alert” sa Facebook at Twitter

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.