Lugar kung saan pinatay si Jee Ick Joo sa Crame, nagmistulang puntod

Henry Atuelan, DZMM

Posted at Feb 03 2017 11:23 AM

Mistulang puntod sa loob ng Camp Crame ang lugar kung saan pinatay ang South Korean na negosyante sa compound ng Police Community Relations Group.

Mga bulaklak, kandila at kataga ng pakikiramay sa pinaslang na si Jee Ick Joo ang nakapaloob sa may isang dipang puwesto sa tapat ng nabuwag na Philippine National Police Anti-Illegal Drugs Group.

Nagmula ang mga ito sa Korean communities sa bansa at mga Korean business group.

Ilang hakbang lamang ang layo ng naturang lugar mula sa tinitirahang bahay ni PNP Chief Director General Ronald dela Rosa sa Camp Crame. Ilang hakbang lang din ito sa PNP National Headquarters at tanggapan ng PNP Press Corps.