'Severe dengue, nakita sa 3 patay; pero di pa rin masisisi ang Dengvaxia'

ABS-CBN News

Posted at Feb 02 2018 11:00 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Tatlo sa 14 na namatay na bata na iniuugnay sa Dengvaxia ang lumabas na nagkaroon ng severe dengue, ayon sa pag-aaral ng UP-PGH Dengue Investigative Task Force (PGH-DITF). Pero hindi pa rin umano masasabi na dahil sa Dengvaxia ang pagkamatay sa mga naturang kaso.

Inilabas ng Department of Health (DOH) nitong Biyernes ang resulta ng pag-aaral ng PGH-DITF sa clinical data ng 14 na batang namatay at iniuugnay sa bakuna kontra dengue.

Ayon sa PGH-DITF, tatlo sa 14 ang namatay dahil sa dengue kahit sila ay nabakunahan ng Dengvaxia.

Dalawa sa tatlong ito ay posibleng dahil sa vaccine failure.

Pero kailangan pang kunan ng tissue samples ang mga kasong ito para makumpleto ang imbestigasyon.

Isa kasi sa dalawang kaso ng sinasabing vaccine failure ay nagka-dengue na bago nabakunahan.

Pero nagtataka ang PGH-DITF kung bakit hindi pa rin nabigyan ng proteksiyon ng bakuna ang bata.

Taliwas kasi ito sa sinasabi ng Sanofi Pasteur, developer ng Dengvaxia.

Ngunit possible rin umano na nagkaroon ng ibang dahilan ang pagkamatay ng bata.

Nilinaw ng PGH-DITF na sa ngayon ay hindi pa masasabi na dahil sa Dengvaxia ang ikinamatay ng tatlong kaso.

Ayon naman kay Dr. Susan Mercado, isang public health expert, ang mga sinabi ng PGH ay isang pagpapatunay lang na ang Dengvaxia ay maaaring magdulot ng severe dengue at posible pang magresulta sa pagkamatay.

Ipinunto rin ni Mercado na hindi lang vaccine failure, kundi may failure of the vaccination program din na nangyari.

Ang anim kasi na kasama sa 14 na namatay ay sinasabing may pre-existing diseases na pero nabakunahan.

Ayon kay Mercado, posible na ang bakuna ang nagpalala sa kaso kung bakit sila namatay.

Pero ayon sa DOH, wala pang datos na makapagpapatunay dito.

Samantala, isa pang batang naturukan ng Dengvaxia sa Caloocan ang namatay nito lang Miyerkoles.

Dumaing lang ang bata ng pananakit ng ulo, lagnat, at pagkahilo pero agad ring binawian ng buhay.

Paniwala ng ama ng namatay, malaki ang kinalaman ng Dengvaxia na tatlong beses naiturok sa bata.

Ika-15 na ang bata sa mga batang seronegative na naturukan ng Dengvaxia at nasuri ng Public Attorney’s Office forensic team.

Ayon kay Dr. Erwin Erfe, forensic analyst ng PAO, pare-parehong may nakitang paglaki at pagdurugo ng mga internal organ, at pamamaga at pagdurugo sa utak ng mga bangkay.

--Ulat ni Kori Quintos at Dominic Almelor, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.