Tren ng MRT nasiraan ng PA system, ibinalik sa garahe

ABS-CBN News

Posted at Feb 01 2018 09:39 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

MAYNILA - Muli na namang nabawasan ang bilang ng bumibiyaheng tren ng MRT, Huwebes ng umaga.

Dahil dito, 9 na tren lang ang tumatakbo ngayong araw, malayo sa target sanang 15 tren na bumibiyahe tuwing rush hour.

Paliwanag ng MRT management, nasira ang public address system ng isang tren kaya ibinalik sa depot alas-7:00 ng umaga.

Nilinaw rin ng mga awtoridad na walang pasaherong puwersahang pinababa dahil sa aberya.

Sa ngayon 8 hanggang 9 na minuto ang hintayan sa MRT bago dumating ang susunod na tren.

Dahil dito, humaba muli ang pila sa North Avenue Station, lalo't maraming pasahero kapag umaga ay southbound.

Samantala, sa Quezon Avenue Station, kung saan madalas mahaba rin ang pila tuwing umaga, may ilang araw nang sira ang escalator.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.