P2P bus, dinumog ng libo-libong pasahero ng MRT

ABS-CBN News

Posted at Feb 01 2018 10:09 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Balak ng Department of Transportation (DOTr) na mapabuti ang serbisyo ng mga point-to-point bus na nagsisilbing alternatibo para sa mga pasahero ng MRT-3.

"Ating iaakyat 'yong numero ng buses, 'yong numero ng mga hagad natin, 'yong mga babaan," ani Transportation Assistant Secretary Timothy John Batan sa panayam ng ABS-CBN News.

"Ide-develop po natin ito along the way para matugunan natin 'yong pangangailangan ng mga commuters," ani Batan.

Nitong Huwebes, muling umarangkada ang mga point-to-point bus na bumiyahe sa magkabilang dulo ng EDSA, sa may mga istasyon ng MRT.

Nasa 17 pribadong bus at dalawang libreng-sakay bus ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pumasada noong morning rush hour, mula alas-6 hanggang alas-9 ng umaga.

Dinumog ng mga pasaherong nakapila sa MRT ang mga bus dahil na rin sa bagsak-presyo ng pasahe.

""'Yong pasahero kasi 'yong iba diyan nag-MRT kasi mababa ang presyo kumpara sa bus, 'yong bus umaabot ng P40 yata from North Avenue to Ayala," paliwanag ni Transportation Assistant Secretary Mark De Leon.

"Binagsak [ng point-to-point bus] sa P15, flat rate from North Avenue to Ortigas and to Ayala," ani De Leon.

Inabot ng 50 minuto ang kabuuang biyahe ng mga bus sa EDSA.

Pero aminado ang DOTr na maliit ang 1,200 pasaherong naserbisyuhan ng mga bus nitong Huwebes kung ihahambing sa halos kalahating milyong pasaherong nakikipagbakbakan para lang makasakay sa MRT kada araw. 

Kamakailan ay lalong humaba ang pila sa MRT matapos ibaba sa 10 hanggang 12 ang bilang ng tumatakbong tren tuwing rush hour.

Unang inilunsad ang mga point-to-point bus noong Nobyembre pero inamin ng DOTr na hindi naging matagumpay ang unang sabak nito dahil naipit pa rin sa trapiko sa EDSA ang mga bus.

-- Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.