May-ari ng karinderya, patay sa pamamaril sa Pangasinan

John Germono, ABS-CBN News

Posted at Feb 01 2018 01:32 AM

Patay sa pamamaril ang isang 47 taong gulang na lalaki sa Barangay Sugcong sa bayan ng Pozorrubio, Pangasinan Martes ng tanghali.

Residente ng Sison ang biktimang si Eliseo Abao, at magwi-withdraw lamang sana ng pera sa Pozorrubio nang tambangan ng hindi pa kilalang salarin.

Base sa imbestigasyon, posibleng kinausap pa umano ng salarin ang biktima bago barilin. Nakalayo pa si Abao ng ilang metro pero hinabol pa rin ng putok.

Nagtamo ang biktima ng dalawang tama ng bala sa ulo at katawan na agad niyang ikinamatay.

Walang alam na motibo sa pamamaril ang asawa ng biktima, na dati umanong security guard at ngayon ay tumutulong din sa kanilang karinderya.

Itinanggi rin ng asawa na sangkot si Abao sa ipinagbabawal na gamot.

Lumalabas rin sa imbestigasyon na tanging ang cellphone ng biktima ang nawawala. Naiwan ang relo at wallet nito.

Ilan sa mga tinitingnang anggulo ng awtoridad ang negosyo ng biktima, ang dati niyong trabaho at ang personal na motibo.

Ito na ang ikalawang insidente ng pamamaril sa bayan ng Pozorrubio ngayong buwan.

Noong Enero 18, isang negosyante rin ang binaril sa palengke.

Wala pang nahuhuling salarin ang pulisya pero may lead na umano sila sa kaso.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.